The Duterte Conspiracy

The Duterte Conspiracy



Mga conspiracy tungkol kay Rodrigo Duterte

 

Gusto mong manalo si Duterte? Walang problema. Gusto mo manalo si Miriam? Walang problema. Baka gusto mo si Mar at Binay? Abaý wala ring problema. Lahat naman ay may kanya-kanyang gusto pero hindi lahat ay pinapalad na manalo ang gusto nila. Napakaswerte natin at meron tayong kalayaan bumoto. Ang masamang epekto nga lang ng kalayaan na iyon ay meron din tayong kakayahan na magpanalo ng mga hindi karapat-dapat na presidente na minememorize ng anak mo.

Ilang buwan na lang at eleksiyon nanaman. Asahan mo na habang papalapit ang Mayo ay marami nanamang magpapatayan, magsisiraan at magpapasabog ng mga black propaganda sa kanilang mga kalaban. Merong isang matatag at matapang na manok. Manok mo rin ba siya? Kawawa ang manok mo. Alam mo kung bakit?

Matindi ang kalaban ni Duterte. 2013 pa lang ay alam na ng mga dilaw na mananalo si Mar. Natabas na ang damo sa bundok at malinis na malinis na ang daan. Kumpleto na ang budget at nag-uumapaw pa. Ito ang ilan sa mga sumusunod na magiging hadlang sa pagkapanalo ni Duterte.

 

1.) EBIESIBIEN

— Patas na balita? Wag ka na umasa. Kung may ibabalitang masama sa tungkol sa mga dilaw ay 1 out of 10 lang ang atensiyon na ibibigay nila roon. Pero pag kasiraan ng mga kalaban ng mga dilaw ay 9 out of 10 ang atensiyon nila doon. Kunwari lang na may binabalitang masama tungkol sa dilaw para lumabas na sila ay ‘patas’.

— Ibabalita ba ni Korina ang kasiraan ni Mar o ipangangalandakan ba ni Kris Aquino ang negative na balita tungkol sa kuya niya. Wala naman tayong magagawa dahil asawa at kamag-anak nila yun. Pero kung may delikadesa at para maiwasan ang conflict of interest ay sila na mismo ang umiwas sa media at bumalik na lang kapag wala na sa katungkulan o tapos na ang preparasyon sa eleksyon.

— Napakalakas na armas ang media para maikondisyon ang mga botante. Marami talagang nabibiktima diyan. Napapaniwala nila tayo na maganda ang hangarin nila pero sa una lang pala. Hindi kasalanan ng mga botante yun dahil hindi naman nila alam na may mga masamang balak pala ang nagmamabuting mga politiko.

— Kung may ipalabas silang magagandang balita tungkol kay Duterte  ay wag na kayo magtaka dahil pambalanse lang nila yun. Ang pansinin niyo ay pag may nagawang mali ang kalaban ng mga dilaw ay uulan ang balitang mandudurog sa kanilang kalaban.

 

2.) One Punch Man

— Kung mayroong pinaka-kawawang tao sa mundo ay walang iba kundi si Mayor Binay. Tadtad ang bintang ng mga pagnanakaw. Sabihin nating oo at nagalaw niya ang kaban ng bayan, siya lang ba ang may kasalanan? Bakit halos walang taga-dilaw ang pinako nila sa krus at sinigawan at hinatulan sa salang pagnanakaw? Hustisya nga ba? Kumusta na si Jinggoy, Bong at Enrile? Nasaan na si Corona? Kawawa naman kayo. Isang suntok lang kayo ng mga dilaw at tumba na kayo. Masakit yun. Para kayong magkakaklase na gumawa nang kalokohan pero ikaw lang yung nadala sa office ng principal niyong malaki ang puson.

— Hinayaan lang nilang tumakbo si Grace at mag-aksaya ng oras at pagod. Alam nilang isang suntok lang kay Mrs. Poe ay lilipad agad ito sa bayan ni Panday. Lahat ng mga magiging hadlang sa pagkapanalo ni Mar ay susuntukin nila. Pero hindi nila makanti si Mrs. Miriam dahil alam nilang hindi na kailangan. Alam nila na mahina ang dating ni Miriam sa masa. Malakas si Miriam sa mga edukado at professional pero kahit kailan ay hindi siya mananalo sa pagkapangulo dahil sa bilang ng mga boboto sa kanya. Isa pa, mahina na ang katawan ni Miriam at hindi siya magiging produktibo pag tinamaan siya ng sakit. Magaling, tapat at matalino pa naman pero wala tayong magagawa. Pero wag kayong pakasiguro dahil tiyak, pag biglang tumaas ang rating ni Miriam ay may baon na silang pangsuntok.

— Ang tanong, masusuntok ba nila si Duterte? Oo. Kayang kaya nila durugin ang pagkatao ni Duterte. Palabasin na imoral, walang galang at mamatay-tao. Pero ang hindi nila matago, patas si Duterte sa mga sumusunod sa batas at hindi siya patas sa mga hindi sumusunod sa batas. Bakit ka matatakot kung wala kang ginagawang masama? Ang sinasabi nila ay hindi raw epektibo ang dahas para mapasunod ang mga tao dahil pag nakatalikod ka na ay babalik na ulit sila sa kanilang kalokohan. Totoo iyon pero sa kalagayan nang ating bansa ngayon ay dapat pagsabayin ang dalawa. Mahigpit na batas at pagtanim ng moralidad. Susuntukin nila si Duterte at hahanapan ng butas bago mag eleksyon. Yan ang gusto nila. Makulong si Binay, madisqualify si Poe, magkasakit si Miriam at hindi patakbuhin si Duterte at ang magiging contender na lang ni Mar ay yung galing sa ibang galaxy. No sweat. Sure win. One Punch Man. 100 na kick back, 100 na black propaganda, 100 na expired relief goods at 10 kilometrong  pila sa MRT at LRT.

3.) Sindikato

— Tapos ang negosyo nila pag nanalo si Duterte. Kung merong magpopondo para tiyak na hindi manalo si Duterte ay sila yung nasa 2nd rank. Nag-iisip na sila ng mga taktika para hindi mahuli at patuloy na makapagtago. Yung iba, eeskapo na papunta sa ibang bansa para matiyak na hindi masayang ang pinaghirapan nila sa masamang paraan. Pero meron sila tiyak na pangalawang plano. Assassination? Lason? Ewan natin. Sana hindi ganun ang gawin nila. Kung hindi, automatic na ang vice president ang magiging pangulo natin.

4.) Alan Peter Cayetano

— Hawak daw sa leeg ng mga dilaw sa Cayetano? Maniniwala ka ba dito o hindi? Mahirap itong patunayan. Matalino si Alan at matapang din. Sabi ng mga naninira kay Alan ay kinumbinsi niya raw si Duterte na tumakbo para mahati ang boto kay Poe, Miriam at Duterte at makakuha ng solid na boto si Mar. E wala na si Poe. Mahahati na lang daw ang boto kay Miriam at Duterte. Nung hindi pa nag-aannounce si Duterte ay uminit agad ang pangalan ni Miriam. Talagang mahahati ang boto. Isa rin yun sa dahilan kaya hindi nila inaatake masyado si Miriam. Pag nagback out kasi si Miriam ay mahirap na ang magiging kalagayan ni Mar.

5.) Mayor to President

— Sa Davao lang daw kaya gawin ni Duterte ang pamamaraan niya sa pagpapatakbo nang batas at hindi niya ito magagawa sa Pilipinas dahil di na niya ito masusubaybayan. Hindi talaga magagawa ni Duterte yan kung hindi ka sumusunod, hindi ka nagpapasakop, hindi ka makikipagkaisa at tatamad-tamad ka. Kahit sino pa ang maluklok kung hindi naman tutulong ang mga Pilipino ay wala ring mangyayari. Kaya dapat talaga tayong malatigo. Hindi na uubra sa pinoy yung papetiks-petiks at lalamya-lamya na Presidente. Gusto mo maging malaya diba? Pero aanuhin mo ang pagiging malaya kung hindi ka nakakalaya sa kahirapan at hindi ka mapakali dahil alam mo na sa labing-apat na kasabay mo sa Jeep, dalawa doon ay magkasabwat na holdaper.


 

Wag na kayo masyadong umasa na mananalo si Duterte para hindi kayo masyado masaktan. Wag niyo na rin siyang antayin para masimulan ang pagbabago. Pwede mo na simulan yan sa sarili mo, sa bahay mo, sa mga estudyante mo, sa mga empleyado mo at sa lahat ng mga pinamumunuan mo. Sino ka? Mas higit ka pa kay Duterte at kahit na sinong pulitiko. Hindi natin kailangan si Duterte kung magbabago naman ang mga pinoy. Kaso karamihan sa atin ay hindi na mababago. Dumadaloy na sa dugo nila ang pagkapit sa patalim para mabuhay. Kailangan natin ang tao na mangunguna sa pagdidisiplina. Wala naman pinag-iba yan sa mahigpit na magulang. Naghihigpit sila dahil ayaw nilang mapariwara o mapahamak ang anak nila. Yun ang tanda nang tunay na pagmamahal. Kesa sa magulang na hinahayaan kang gawin ang gusto mo at binigay na sayo ang kalayaan tapos sa huli ay magsisisi ka dahil nalugmok ka sa kahirapan.

Sasabihin nang iba, bakit yung kasiraan lang yung nakikita niyo at hindi niyo tinitingnan yung magagandang ginawa ng mga dilaw? Wala naman tututol kung sabihin nilang may nagawa sila. Ang dami nga nilang nagawa at naipangako sa taong bayan. May magpapasagasa pa nga raw sa tren diba? Ang problema kasi ay masyado nila pinaasa ang mga pinoy. Wag ka na magsalita. Gawa na lang nang gawa.

Sa huli, ikaw pa rin ang magfifill-up nang iyong  balota. Iboto mo si Mar kung gusto mo. Iboto mo si Binay kung gusto mo. Iboto mo si Miriam kung gusto mo. Iboto mo si Duterte kung gusto mo. Bumoto ka bilang isang Pilipino. Kung hindi manalo ang manok mo, no hard feelings. Sumunod ka pa rin sa batas. Kahit lumalabag sila, sumunod ka pa rin. Hayaan mo silang lumabag. Mas magiging masarap ang pagtulog mo. Mas magiging masaya kang Pilipino.


 

-Metaporista

feature image credit link: gmanews.tv

 




 

 

One thought on “The Duterte Conspiracy

Leave a Reply