Tuldok lang tayo

Tuldok lang tayo

image credit: Simon Jones @ Pinterest


Tuldok lang tayo

Kapiranggot na nilalang na parang langgam pag sinipat mula sa kaitaasan ng condong nagtataasan

Kalahating butil na buhangin  kapag sinipat mula sa eroplanong nagtatago sa ulap at ulan

At pag tinanaw mula sa buwan, kahit di magtago ay nawawala na tayong tuluyan

Baka kaya di tayo napapansin, dahil tayo ay tuldok lang

Hinahanap lang tayo pag kailangan, parang sa maliit na letrang j at i, at kadalasan kapag tapos na ang pangungusap at pakiusap

. : ; ! ? i j

Yan lang ang gamit nila sayo, at kung naka all caps ay lima na lang ang silbi mo

Tuldok ka lang para sa iba at tuldok ka lang sa mga taong hindi sayo nagpapahalaga

Pero sa nakakakita sa kahalagahan mo, ikaw yung tuldok na kumikinang-kinang na parang bituin

Bituin ka para sa mahal mong napaiyak nang pinili mong manatili na makasama sila kapalit ang maginhawang buhay

Bituin ka para sa anak mong hindi mo pinalaglag nang pinili mong panagutan ang buhay niya kahit mag-isa mo siyang itataguyod

Bituin ka para kapatid mong sinuportahan mo at tinulungan mong tumayo sa kanyang sariling paa

Bituin ka para sa mga tinuruan mo nang buong puso at pinagtiyagaan mong matutunan nila ang gusto mong ipatuto

Bituin ka sa mata ng magulang mo dahil hindi mo sila nakakalimutan na kumustahin at lalo na ang pagbati sa kanilang kaarawan

Bituin ka sa mata ng kaibigan mong hindi mo iniwan, at lagi mong binabatukan kapag gumagawa ng mga kalokohan

Bituin ka para sa mga nagpapahalaga sayo

Tuldok na nagniningning at tinitingala kapag nagsisimula nang dumilim

Tuldok lang tayo

– ni Metaporista

Leave a Reply