Para sa mga Nilamon ng Sistema

Para sa mga Nilamon ng Sistema



Isa ka na rin ba sa nilamon ng sistema?

Baka hindi mo lang alam. Baka hindi mo lang ramdam.

Sistema sa lipunan na parang kumunoy na pahihirapan ka bago makawala. Sistema na tila kayang ilagay ang buhay mo sa panganib. Sistema na kailangan mo ang tulong ng iba para ka makawala. Sistema na marami na ang nagparaya at tuluyang nagpalamon.

Baka isa ka sa Mayor, General at Senador na nanggagatas mula sa dukha. Siga. Masiba. Linta.

O baka isa ka sa mga fixer na examiner sa LTO sa Las Pinas. O kaya medical-medicalan na kahit sabog sa droga ay pasado pa rin. Baka isa ka sa trabahador sa post office na nangbubukas ng mga EMS, Sulat at Bagahe mula sa mga OFW para nakawin ang kanilang pinapadala. Baka isa ka sa traffic enforcer na nanghuhuli ng mga hindi naman lumabag sa batas kundi dahil alas-tres na at kailangan mo magmerienda nang Jollibee. O baka isa kang make-up artist na hindi nagbabayad nang buwis.

Talo-talo na basta may perang kapalit. Pulis na hindi nanghuhuli ng mga drug lords dahil laging may pabirthday sa kanya, sa anak niya at sa apo niya. Huhulihin mo ba ang ninong mo sa kasal?

Baka may kapit-bahay kang durugista pero di mo sinusumbong dahil kaibigan mo siya. Kung tunay kang kaibigan, payuhan mo at wag mong hayaan tuluyang mabaon ang kanyang mga mata at pisngi.

Para kanino ang tunay na hustisya? Para lang sa mga may pera. Kaya kung wala kang ibabayad sa korte mas mabuti pang magpakabait ka. Ang sistemang pag si Vhong Navarro ang nabugbog ay aksyon agad. Hustiyang dumating lang pagkatapos nang 20 taon dahil walang panlagay kaya usad pagong ang kaso.

O baka isa ka sa may kaibigan sa PRC, City Hall, Immigration at customs na dinadaan mo sa lagay ang lahat. Una ka sa pila kahit huli kang dumating? Magtatampo ka pag pinag-antay ka. Sistemang palakasan na abot hanggang sa mga pampublikong unibersidad. Anak ka ni Mayor? Tanggap ka na. Anak ka ni Chief, di na kita huhulihin.

May pondo naman ang Pinas pero hindi lang nagagamit sa tama. Sistemang may computer ang counter sa city hall pero ginagamit lang pag solitaire. May ambulansya sa barangay pero ginagamit lang panggala. May maganda tayong mga tourist spots pero di minementena. May sipag at talento ang Pinoy pero walang oportunidad.

Sistemang pag di ka galing sa sikat na Unibersidad ay di ka na tanggap. At kontratang hanggang 3 o 6 months na buwan lang trabaho. Sistemang pag pumuti na ang buhok mo ay di ka na tatanggapin sa trabaho.


At ang sistema na ayaw kumawala sa nakasanayan. Gusto mo na lagi kang madadalian. Gusto mo na hindi ka mapapagod o magsasakripisyo. Isa lang naman ang gustong maabot ng mga tao, ang makawala sa sistema pero dahil maapektuhan ang ating ‘convenience’ at ‘freedom’ ay di tayo sasama sa mabilis na daan ng pagbabago.

Ang tunay na kalayaan ay hindi ang magagawa mo lahat ng gusto. Ang tunay na kalayaan ay marami pa ring bawal pero malaya ka na sa gutom na sikmura, malaya sa nakakapag-alalang gastusin sa hospital, malaya sa mga snatcher at drug pusher, malaya sa illegal recruiter at higit sa lahat, malaya sa Recto University na gumagawa ng mga pekeng dokumento at resibo ng mga tuition fee.

Pero kung ang tingin mo sa kalsada ay isang malaking basurahan at ok lang ang magkalat, nagsisimula ka na lamunin ng sistema. Bulok na sistema ng lipunan.

Paano ka makakawala?

Konsensya.

Isang salita pero makapangyarihan. Kung alam mong masama wag mo gawin. Kahit masarap, wag mo gawin. Tumakas ka. Ngayon na.

Oo, tama na mahalin mo ang sarili mo. Pero mahalin mo rin ang Perlas ng Silanganan. Please.

 

Metaporista

Leave a Reply