Guro – ang pinakamahalagang tao sa daigdig

Guro – ang pinakamahalagang tao sa daigdig



Isa sa mga naging project namin ay ang paggawa ng channel at bund sa isang lugar na sobra kung bahain. Halos 1.2 kilometro ang haba na hinukay namin at umabot sa 3 hanggang 4 na metro ang lalim.

Masarap sa pakiramdam na pagkatapos nito ay halos isang daang bahay na ang hindi makakaranas nang mataas na baha.

May naisip ako pagkatapos.

“Paano ba namin nagawa ito?”

Ang sagot, dahil may nagturo sa amin. Dahil inaral namin. Aral. Edukasyon. Teacher. Oo teacher. Nagawa namin ito dahil sa aming mga naging teacher.

Binatukan ako ng realidad na ang pinakamahalagang bagay sa mundo ay ang pagtuturo at ang mga nagtuturo.

Guro. Teacher. Mam. Sir. Professor. Coach. Maestro.

Walang doktor kung walang nagturo sa kanilang manggamot.

Walang enhinyero kung walang nagturo sa kanilang magcompute.

Walang taxi driver kung walang nagturo sa kanila magdrive.

Wala si Rico Blanco kung walang nagturo sa kanya tumugtog.

Wala si Jordan kung walang nagturo sa kanya maglaro.

Kung sinarili ni Einstein ang nalalaman niya at hindi niya tinuro sa iba, nasaan na tayo ngayon. Kung di ka tinuruan ng nanay at ate mo na magbasa, hindi mo nababasa ito ngayon. Kung di ka tinuruan magsaing ng lola mo, wala kang ipapares sa kare-kare.

Kung hindi dahil sa mga teacher natin noong mag-aral tayo sa eskwelahan, wala tayong alam ngayon. Kung hindi dahil sa prof mo nung college, wala ka sa trabaho mo ngayon.

Kaya tumuloy ang sibilisasyon ng tao ay dahil sinasalin o tinuturo nila ang kanilang nalalaman.

Oo lahat tayo ay pwedeng maging guro sa simpleng bagay. Sa ating mga anak, pamangkin at kaibigan. Pero ibang usapan kung araw-araw ng buhay mo ay gigising ka at babangon para salubungin nang maaliwalas na ngiti ang 30 mong estudyanteng nag-aantay sayo sa classroom. At dahil sa kanila, kaya umunlad ang mga tao. Dahil sa tiyaga nila sa pagturo. Sila ang pinaka hindi madamot. Bakit? Dahil hindi natatapos ang kanilang pagbabahagi.

Kung may isang milyong piso ka, ishare mo yan sa iba ay 1 araw lang ay ubos yan. Ang kaalaman pag shinare mo ay hindi mauubos. Tama nga na yan ang kayamanang hindi mananakaw ninoman.

Kawawa yung mga hindi nakakapag-aral dahil sa kawalan ng salapi. Pero mas kawawa yung may salapi pero tinamad at piniling hindi na tapusin ang pag-aaral dahil pinili at sinadya nilang hindi matuto.

Teka, kung sobrang halaga pala ang mga guro sa ating lipunan ay dapat silang pasalamatan. Paano? Hayaan silang mamuhay nang sagana. Bigyan ng mga magandang benepisyo. Sapat para mamuhay sa Pinas para di sila mapilitang mangibang bansa.

Kada isang guro na lumilipad mula sa Pinas ay isang parusa para sa ating bayan at kinabukasan.

Kung ano man ang narating mo ngayon, dahil yan sa mga guro mo at mga nagturo sa iyo. Kada pasyenteng nasagip mo. Kada bahay na naitayo mo. Kada ulam na naluto mo. Kada letrang nasulat mo. Kada bilang na sinambit mo.

Magkakaroon tayo nang malaking tiyansa makapagturo sa ating mga anak. Kung hindi ka man guro ay isa ka naman magulang. At hawak mo ang kapangyarihang maging mabait, masunurin sa batas at may takot sa Manlalalang ang anak mo.

Hawak mo rin sa kamay mo ang pagpapaliwanag sa kanila kung bakit natin dapat pasalamatan ang mga nagturo sa atin kung paano magbasa, umibig at magpalaya.

Sa lahat ng mga guro, salamat sa inyo. Bagaman hindi kayo ililibing sa Libingan ng mga Bayani, nakalibing naman kayo sa puso ng bawat estudyanteng pinagtyagaan ninyo. Malinaw na ang tagumpay namin ay dahil sa inyo.

Salamat po.

Metaporista

2 thoughts on “Guro – ang pinakamahalagang tao sa daigdig

  1. Hi good morning po ako po ay malagal n ninyong taga hanga metaporista. At natutuwa po ako sa mga moral story ninyo. Isa po akong volunter radio annoucer pwede ko p b ikwento ang mga isinusulat ninyo para ma i share sa iba hope sana payagan ninyo po ako salamat.

    1. Wala pong problema. Salamat Sir Jhon. Ipagpatuloy niyo po yung maganda niyong adhikain na magvolunteer sa radyo at maabot yung mga kababayan natin. Akala natin minsan walang nakakarinig sa atin o nakakabasa sa atin pero meron pala. Salamat ulit

Leave a Reply