Ang Pananampalataya, Pag-ibig at Pag-asa

Ang Pananampalataya, Pag-ibig at Pag-asa



Pag-asa

Umaga nanaman, panibagong kalungkutan

Babalik ka nanaman, sa ala-ala ko’t isipan

Aasa nanaman, na ika’y makakalimutan

Buong pilit kinakaya, na di ka padapuin sa isipan

Sumuko na, kahit di tinaas ang kamay

Pumikit na, kahit ang ilaw’y di pa patay

Umiyak na, kahit di pa umaaray

Umalis na, kahit pinaghihintay

Umaga nanaman, ngunit pag-asa na ang agahan

Natutunan kong, kapalara’y di mo pwedeng hawakan

Di madidiktahan, di pwedeng pangunahan

Manampalataya kang, may iba sa iyong nakalaan

—-

Pananampalataya

Humiling  ako sa langit, nakaluhod at nakapikit

Pagkatapos ay napatanong, “Ako kaya’y nadidinig?”

Hiling kong may pagdududa, tiyak na nakakagalit

Kawalang pananampalataya, matagal ko ng sakit

Nagpasalamat na, kahit di ka pa nakakamit

Kinakabahan na, kahit di ka pa nami-meet

Pinapakilala na, kahit pangalan mo’y di pa batid

Nagmamahal na, kahit naging manhid

Humiling nanaman sa langit, muling pumikit

Natutunan kong mag-antay, at huwag mangulit

Di pwedeng madaliin, hindi pwedeng ipilit

Sa tamang panaho’y, darating din ang pag-ibig

Pag-ibig

Ang pananampalataya, pag-ibig at pag-asa, itong tatlo’y lubos na mahalaga

Ngunit sa kanila’y pag-ibig ang pinakadakila, di mapaparisan ng iba

Batis na walang tubig, kaparis ng kawalang pag-ibig

Saysay ay mawawala, parang tumpok na mga bula

Nananabik na, kahit ‘Oo’ mo’y di ko pa taglay

Sumusumpa na, kahit wala sa dibdib ang kamay

Naglalakad na, kahit walang bulaklak ang altar

Naikasal na, kahit wala pa ring ikaw

Pag-ibig na walang halay, handang maghintay

Lalabanang magkasama, ang hamon ng buhay

Mananampalataya’t aasa, na sa tuwina’y magkasama

Magmamahalang walang pigil, hanggang magpantay ang dalawang paa


Metaporista (27-10-2016)

Lahok sa Saranggola Blog Awards 8



  


Leave a Reply