Kupidoc 

Kupidoc 

May isang kupidong nagngangalang ‘Kupidoc’ na sumikat sa buong kaharian ng mga namamanang kupido. Nakilala siya dahil sa kanyang angking galing sa pag-asinta sa kanyang mga target. Halos lahat ng kanyang pinapana ay nagkakatuluyan.

Iisa lang ang mundo ng mga tao at mga kupido. Di lang sila makita dahil kaya nilang magtago at magbalat kayo. Matatagpuan sila kahit saan ka magpunta pero di mo sila mamamalayan. Nagkalat sila sa classroom ng mga eskwelahan at sa opisinang pinagtratrabahuhan. Sa LRT, Jeep at maging sa bumbilya mo sa kwarto. Hindi sila multo na tatakutin ka at magpaparamdam. Mahigpit sa kanilang pinagbabawal ang magpakita sa mga tao.

Ang pana na tumatama sa puso ng tao ay hindi nakakapagpa-ibig kundi magbibigay lamang ito nang koneksyon at atensiyon. Hindi totoo na pagpinana kayo ay iibig na kayo sa isa’t isa.

Isang araw, may batang kupido ang lumapit kay Kupidoc at nagtanong “Kupidoc! Ako po si Kupiko at may gusto lang po sana akong tanungin. Ano po ba ang inyong sikreto at halos lahat ng mga pinapana niyo ay nagkakatuluyan?” pahingal na tanong ni Kupiko.

Sumagot si Kupidoc na walang halong biro sa mukha. “Alam mo bang ikaw pa lang ang kauna-unahang nagtanong sa akin niyan? At dahil diyan, sasabihin ko sayo ang aking sikreto basta ipangako mong hindi mo ipagkakalat.

Itinaas ni Kupiko ang kaniyang kamay at pikit-matang nangako. “Opo promise!

Halika at samahan mo ako sa buong araw kong paglalakbay” yaya ni Kupidoc.

Bago ako mamana, kinikilala ko ang dalawang taong gusto kong pagkonektahin. Iniisip ko ang future nila at mga conflict na pwedeng dumaan sa kanilang buhay. Kontra ba ang kanilang mga magulang sa kanilang relasyon? Single ba sila? At kung gaano ba karami ang pagkakataon na pwede silang magkita.”  Patuloy pa ni Kupidoc.

Kapag alam ko na wala silang tiyansa na na mag-eye to eye contact, lumilipat na ako sa agad sa iba. Sobrang halaga nun. Bakit? Dahil yun ay senyales na gusto nilang malaman kung tinititigan din ba sila nang taong hinahangaan nila. Makakapag-usap ba sila nang harapan o kahit sa text, messenger at email? Kung hindi, walang kwenta ang pagpana sa kanila. Dahil yun ang hakbang para lumalim pa ang kanilang interes sa isa’t isa.” Kwento pa ni Kupidoc habang papalapit na sila sa isang classroom.

May papanain po kayo dito?” Tanong ng batang kupido.



May ipapakita lang ako sayong halimbawa.” Sagot ni Kupidoc.

Tingnan mo yung lalaking yun at yung babaeng yun. Kunwari may kinakausap na iba pero sulyap nang sulyap sa isa’t isa. Hanggang sulyap lang sila at hindi nag-uusap. Akala natin ay wala lang. pero kung susundan mo sila hanggang sa kanilang pag-uwi ay nagtetext sila sa isa’t isa. Kunwari magtatanong tungkol sa homework o kaya sa project. Tapos tatanungin kung matutulog na O kung kakain na. At pagkalipas nang ilang linggo ay magkakapalagayan na sila nang loob. Pinana ko sila nung isang taon pa nung umabot na sa isang oras ang kabuuan nang kanilang mga sulyap sa isa’t isa.” Paliwanag ni Kupidoc.

Hindi ako tumitingin sa hitsura. Kahit maganda yung babae at pangit yung lalaki ay wala akong pakialam. Kahit mayaman at mahirap, wala rin akong pakialam. Ang mahalaga sa akin ay sulyap, komunikasyon at oras. Pero syempre meron akong specialty. At yun ay kung paano ko binabalik-balikan ang mga pinapana ko. Posible kasi na may ibang kupido na mamamana sa kanila habang wala ako at ipares sa iba na sa tingin nilang karapat-dapat. Wala akong magagawa doon. Ang mangyayari, may posibilidad na kokonekta sila sa iba. Pero nakadepende pa rin yun sa tao kung sino ba ang pipiliin niya.” Dagdag pa ni Kupidoc.

“Bakit pinapana pa rin po ng ibang kupido ang mga tao kahit alam nilang kinonekta na ito sa iba?” Tanong ng batang kupido.

“Walang makakapigil doon dahil may kalayaan ang bawat kupido na panain kung sino ang gusto nila. Pero kapag yung dalawang tao ay masaya sa isa’t isa at laging magkasama o laging nag-uusap, magdadalawang isip ang ibang kupido na ikonekta sila sa iba.” Sagot ni Kupidoc.

“E Bakit po may mga taong single?” Tanong ni Kupiko.

“Halos lahat naman ng mga tao ay napana na. Walang pinipiling edad o kasarian. Kaso mahirap silang hanapan ng kapares at kokonti ang kupido na gusto silang panain. Kung hindi sila masyadong busy sa pag-aaral o trabaho ay busy sila sa sarili nilang libangan. Hindi nila inaalagaan ang sarili nila at hinahayaan nilang tumaba sila hanggang umitim na ang kanilang batok. Lalo na yung masama na nga ang mukha ay masama pa ang ugali. Yung iba ay hindi lumalabas ng bahay. Paano ka hahanapan ng mga koneksyon kung aso at pusa mo lang ang lagi mong kasama? Yung iba walang self-confidence at laging nasa isang sulok dahil sa kanilang tigyawat sa mukha, dahil hindi sila magaling kumanta, dahil mababa ang grade nila, dahil badbreath sila, dahil balbon sila, dahil bungi sila at kung anu-ano pang mga mababaw at walang kwentang dahilan. Kung sila nga ay walang tiwala sa kanilang sarili, ang mga kupido pa kaya? Pero alam mo ba ang pinakadahilan kung bakit maraming single? Dahil sa ibang kupido na basta na lang kung mamana. Yung iba single na dahil nasaktan sila masyado sa kanilang nakaraang relasyon. Natatakot na sila umibig ulit at maramdaman yung sakit sa puso nila na parang pinipiga at kinukuryente.   Tuluyan na silang nawalan ng tiwala sa kanilang sarili na kaya pa nilang umibig. Trauma. Kirot. Luha. Kaya pa naman talaga nila. Natatakot lang sila.” Paliwanag pa ni Kupidoc.

Tahimik na nakinig si Kupiko at ninamnam ang paliwanag ni Kupidoc.

Pero sa kabila ng lahat ay may labis kong kinaaaliwan.. ang himala..” Pagtatapat ni Kupidoc sa batang kupido.

Himala? Ano pong himala?” Tanong ni Kupiko.

Maraming nag-iibigan sa mundo na hindi tayo ang may gawa. At kadalasan, sila pa ang mga magkasamang tumatanda. Pag-ibig na hindi nalimitahan ng ating mga pana. Nagtiwala sila na ang kanilang mga puso at palad ay karapat-dapat sa isa’t isa.” Paliwanag ni Kupidoc.
Himala ay ang pag-ibig na handang maghintay kahit nasa magkabilang dulo sila ng ating mundo. Himala ang pag-ibig na isinakripisyo ang kanyang magandang kapalaran kapalit ng mga labi at mahigpit na yakap. Himala ang pag-ibig na magkasamang dumaan sa apoy na pagsubok at magkasama nila itong nilampasan. Himala ang pag-ibig na nabuo kahit wala ni isang kupido ang gusto silang magkatuluyan. Hindi naman kasi talaga mahalaga ang sasabihin ng iba. Kung mahal mo, ipaglaban mo. Habulin mo hanggang sa dulo ng mundo.” Dagdag pa ni Kupidoc.

Patuloy silang naglakbay at naglibot sa iba pang mga lugar. Konti-konting naisip ni Kupiko na dapat na siyang maging maingat sa pamamana. Pinahalagahan na rin niya ang mga himala.

-Metaporista

—-

Lahok sa Saranggola Blog Awards 2016

Para sa kategoryang maikling kwento


Leave a Reply