Ang Pinakamalaking Sugal sa Kasaysayan

Ang Pinakamalaking Sugal sa Kasaysayan



 

Ito ang pinakamalaking sugal sa kasaysayan.

Nasubukan mo na bang tumaya sa kahit anong sugal? Sinuwerte ka naman ba kahit minsan? Ano ang tinaya mo?

Pusta. Taya. Sugal.

Normal sa tao ang sumugal. Hindi mo lang namamalayan pero halos ang araw-araw kang nagsusugal.

Hindi mo kailangang pumila sa bilihan ng lotto ticket o sabungan para sumugal. Bakit? Hindi lang naman pera ang sinusugal. At kung inaakala mo na ang pagkaubos ng pera ang pinakamalaking bagay na dapat mong panghinayangan, utak bangaw ka.

May tatlong bagay na tinatayaan tayo. At ito ang mga iyon:

Oras 

Walang bawian yan. Hindi mo mababalik ang pagkabata mo o ang pagiging campus crush mo. Papawala na ang resistensya ng mga tuhod mong kasing kinis ng kamatis. Di mo na mabubuhay ang lola mong laging nagtatanggol sayo kapag may kasalanan kang hindi mo naman sinasadya. Ang mga mala-moriatic acid na mga salitang binuhos mo sa magulang mo, anak mo at kaibigan mo ay hindi mo na rin mababalik. Buhay pa nga sila pero tinunaw mo na ang puso nila. Baka ilang taon na lang ay magreretiro ka na at hindi na kaya ng katawan mo ang kumayod. May naipon ka ba? Kulang na ang araw mo? Kung hindi ka lang sana naging magastos at nangolekta ng mga sapatos ay baka nakahiga ka na lang ngayon sa bahay-bakasyunan mo. Ilang kandila na ba ang naihip mo sa ibabaw ng iyong birthday cake? Ilang taon ang sinugal mo at tinapon mo.

O baka naman sobrang tino mo, masyado kang mabait, masunurin sa magulang mo at nagmukha ka ng manang o manong kahit hindi ka pa trenta kaya walang nanliligaw o nagpapaligaw sayo. Masyado kang focus sa career mo at hindi mo na enjoy ang buhay bata o buhay binata/dalaga. Baka masyado mong sineseryoso ang buhay at lagi kang kill joy. Wala na ang mga kaibigan mong naiimbita sayo. Di ka nila maaalala kung hindi ka pa magpaparamdam. Masyado kang nagpakayaman at kinalimutan mo na ang mga tao sa paligid mo. Di mo na mababalik ang nakaraan. May pera ka nga, may nababalikan ka naman bang masayang alaala?

Sinugal mo ang oras mo. Nanalo ka naman ba?

Pag-ibig

Putek yan. 7 years kayong magkasama tapos magkakahiwalay lang kayo? Sinayang mo ang pag-ibig mo sa hindi ka naman talaga mahal. Ilang Cloud 9, Jollibee at SM Cinema ticket ba ang nabili mo? Ilang luha, suspetsa at selos ang tinago mo? Ilang pagtahimik ang ginawa mo habang naglalakad kayo na magkahawak ang kamay dahil hindi mo na ramdam ang dating init ng pag-ibig niya sayo? Mga pangako na pinangako niyang hindi mapapako ay tuluyang nabaon sa puso mong walang bakunang anti-tetanus. Na-infect ka. Bumaha ang luha mo gaya sa UST Espana. Halos mamatay ka na. Hindi mo naman akalain na hindi siya para sayo.

O baka naman may ibang dumating sa buhay mo habang kayo pa. Gumawa ka ng paraan para magkahiwalay kayo at mapunta ka sa bago mong napupusuan. Natupad ang gusto mong mangyari pero huli na nung malaman mong ginagago ka lang pala ng bago mo. At yung iniwan mong nagmamahal sayo ay di mo na mabalikan. Sinugal mo siya at tinaya para sa jackpot price na kulangot.

Sinugal mo ang pag-ibig mo. Nanalo ka naman ba?

Relihiyon

Ito ang tinutukoy kong pinakamalaking sugal sa kasaysayan. Saan ka tataya? Sa may Diyos o sa walang Diyos?

Pag tumaya ka sa merong Diyos pero ang totoo pala ay walang Diyos:

-Sayang ang oras at effort mo sa pagsimba. Na imbis na na-enjoy mo ang buhay mo na walang pinagbabawal ay sinayang mo ito. Imbis na mayaman ka na ay di ka tuloy makaipon. Imbis na nakakakain ka ng baboy ay hindi mo ito maamoy man lang. Pwede ka na maging bading o tomboy.

 

Pag tumaya ka sa walang Diyos pero ang totoo pala ay merong Diyos:

-Habang buhay kang lalangoy sa dagat-dagatang apoy o hindi ka mapupunta sa paraiso ng mga birhen sa langit. Ang problema, sa dami ng relihiyon, pag nagkamali ka ng choice ay sunog ka rin dahil isa lang ang totoong relihiyon. Kung nagdecide ka na maniniwala kang may Diyos, dapat hanapin mo yung totoong relihiyon na yun. Otherwise, lalangoy ka rin sa impiyerno. Matalino ka naman para kwestyunin ang relihiyon mo. Kung may mali, hanap lang hanggang sa makita mo.

 

Ngayon, saan ka tataya? Sa may Diyos o sa wala? Buhay ang taya dito at buhay din ang premyo.

Goodluck sa Pinakamalaking Sugal sa Kasaysayan.

 

-Metaporista

————————————————————-

Dice image source: alphacoders.com

 

Leave a Reply