Sikreto 105: Epekto ng lifestyle at mindset sa pagyaman

Sikreto 105: Epekto ng lifestyle at mindset sa pagyaman



Kung desidido kang yumaman at umunlad ay kailangan mong baguhin ang lifestyle at mindset mo sa buhay.

Wag maging hambog

Simpleng lifestyle muna sa simula kung talagang gusto mong yumaman. Hindi mo kailangan makipagsabayan sa uso o kung anong meron ang kaibigan mo. Ano ba ang dahilan mo kung bakit kailangan mong bumili ng mamahalin na gamit? Para makapagyabang? O talagang kailangan?

Karamihan sa mga businessman na chinese ay bumubwelo muna. At hindi lang basta-bastang bwelo ang ginagawa nila. Patayan sila kung bumwelo. Kung ang target nila para sa negosyo ay 5 milyon pesos, pag-iipunan nila iyan kunwari ng mga 10 taon. Ang ginagawa nila ay kinakalimutan muna nila kung sino sila sa loob ng sampung taon. Todo ipon. Walang perang masasayang. Lahat planado at kahit medyo magutom ng konti ay wala silang pakialam. Hindi nila gagalawin ang ipon nila hanggang sa makuha nila ang kanilang target. Kaya pag may nakita kang chinese na kuripot, hindi yun dahil sa madamot sila kundi dahil may pinag-iipunan silang negosyo. At kapag naabot na nila ang kanilang target, Boom. Total transformation. Hindi na mauubos ang kanilang balon. Gumawa na kasi sila ng income source na kaya dire-diretso silang bubuhayin. Negosyong tatagal para mabuhay sila ng matagal. Take note, sa negosyo o investment nila nilalagay ang pera at hindi agad bili ng magarang bahay at sasakyan. Hindi gagalaw ang pera mo doon at uubusin lang niyan ang pera mo. Sabi ko nga, hindi ako bibili ng sasakyan kung wala akong pang-gas. Hindi ko maeenjoy ang sasakyan ko kung hanggang 500 pesos lang kada linggo ang kaya ng budget ko. Bibili lang ako ng sasakyan pag hindi na problema ang gas sa bulsa ko.

Exercise at masustansyang pagkain

Karamihan (hindi lahat) sa mga mayayaman ay inaalagaan ang kanilang katawan sa pamamagitan ng exercise, diet at pagkain ng masustansya. Alam kasi nila na magastos ang pagkakaroon ng sakit at sa isang iglap ay puwedeng maubos ang pera nila kung hindi nila aalagaan ang kanilang sarili. Hindi rin nila maeenjoy ang pagtatravel o ang mga masasarap na pagkain kung pinagbabawalan sila ng doktor kumain ng matamis o bumiyahe. Isa pa, para mapanatili ang malinaw at matalas na utak, kailangan mong kumain ng pampalusog na pagkain. Hindi kailangang kumain ng marami kundi kailangan kumain ng sapat at masustansya.

Ang yaman mo na sana kaso kinabukasan ay namatay ka lang dahil nasobrahan ka sa chicharon at peking duck. Sayang ang buhay mo. Hindi mo rin makikita ang bunga ng mga pinaghirapan mo kung maiistroke ka o mabubulag. Kaya bago ka pa yumaman ay alagaan mo na ang sarili mo at buong pamilya mo. Hindi masamang mag-invest sa food supplement at vitamins para sa ikahahaba ng buhay mo. Sulit din ang membership sa gym kung talagang nagagamit mo naman.

Iwasan mo ang masamang bisyo. Alak, yosi at droga ang papatay sayo.

Sapatos King

Hindi lang naman sa sapatos pero maganda itong halimbawa. Bakit kailangan mong bumili at magkaroon ng sampung pares na sapatos? Koleksyon? Pamporma? Model ka ba? Baka dinaig mo pa ang mga bilyonarno sa dami ng mga damit mo? 5 Cellphone ang pagmamay-ari mo? Seryoso? Saan mo gagamitin yan? Terorista ka ba? Hindi masama bumili ng mga gamit para sa sarili pero tanungin mo muna ang sarili mo kung kaya mo bang mabuhay kahit di mo bilihin yung bagong labas na sapatos. Baka naman unahin mo pa ang pabangong mong mamahalin kesa sa tuition ng anak mo. Set your priorities straight at sundin mo dapat. Kung di mo susundin, niloloko mo lang ang sarili mo.

Steve Jobs Black Turtle Neck
Mark Zuckerberg Grey Shirt
Maging Feeling Mayaman Kung Libre Naman

Hindi naman masamang maging feeling mayaman. Feeling lang naman at hindi mo kailangan bumili ng mga mamahalin. Kailangan mo maranasan o makita ang buhay ng mga mayayamang tao para ganahan ka o ma-inspired ka na mag sikap.

Nakapasok ka na ba sa bahay ng kaibigan mong mayaman? Pagpasok mo pa lang ay napansin mo na agad ang pinto nilang gawa sa makinis at makapal na kahoy. Pagpasok mo ay may sinelas sila na panloob ng bahay kaya hinubad mo ang sapatos mo at nagsuot ka ng sapatos pambahay. Napa-upo ka sa sofa at halos nakalimutan mo ang pangalan ng first love mo dahil sa sobrang lambot at komportable. Nakita mo ang ceiling nila na may malaking ceiling fan at chandelier. Ang banyo nila ay kasing laki ng kasalukuyan mong bedroom at kumikinang ang mga tiles sa sobrang linis. Binuksan nila ang fridge at tumambad sayo na walang bote ng 1.5 coke na sinalinan ng tubig kundi puno ng mga prutas, gulay at masasarap na pagkain. Ang unang papasok sa isip mo, “Wow ang swerte naman nila”. Pangalawang papasok sa isip mo “Ako kaya, kailan kaya ako magkakaroon ng ganitong bahay”. Pangatlong maiisip mo, “Ano ba ang kailangan kong gawin para magkaroon din ako ng ganiton bahay?”. Kung hindi ka nakapasok sa bahay na maganda, hindi papasok sa isip mo na ganun pala kasarap tumira sa maayos na bahay.

Makisakay ka sa sports car o brand new na sasakyan para malaman mo kung anong pakiramdam ng mga taong mayaman. O kaya ay kumain ka kahit minsan ng Häagen-Dazs na ice cream para makumpara mo ang diperensya nito sa Magnolia at Selecta. Maiisip mo na gusto mo rin itong ipatikim sa mga anak mo kaya mas lalo kang magsisikap sa iyong ginagawa. Tandaan, gawin lang itong inspirasyon sa buhay.

Häagen-Dazs Ice Cream Java Chip

 

Isipin mo na Yayaman ka

Hindi ka yayaman kung di mo iisipin na yayaman ka. Ito ang ilang sa mga dapat mong gawin para matanim sa utak mo na yayaman ka.

  1. Hindi ka magsusugal at di mo iaasa ang pagyaman mo sa lotto at karera ng kabayo.
  2. Magbabasa ka ng mga libro at hindi lang puro Abante Tonite at Remate. Kailangan mong palawakin ang isip mo.
  3. Hindi ka maninira ng reputasyon ng iba, magnanakaw, o gagawa ng mga kalokohan. Kapag may record ka sa NBI ay hindi ka na masyado pagtitiwalaan ng mga tao. Habang iniingatan mo ang pera mo ay dapat mo ring ingatan ang reputasyon at pangalan mo. Ang tutulong sayo para umangat ay yung mga taong tinulungan mo. Wag ka magsawang maging mabait at mas maging mapapagpasensya ka.
  4. Hindi ka dapat tumitigil na mangarap. I-trick mo ang utak mo na yayaman ka. Mauuto mo yang utak mo na kailangan mong lalong magsikap at lalong magsipag.
  5. Wag kang makuntento maging empleyado. Targetin mong magkaroon ng sariling negosyo at iba pang investment gaya ng paupahan, stocks at bond. Ang mga mayayaman, hindi lang isa ang source ng kanilang income. Kaya sila yumayaman ay dahil maraming pinanggagalingan ang kanilang yaman at nirereinvest nila ito.

 

Baguhin mo ang lifestyle mo at and mindset mo at susunod ang yaman sayo. Lumaya ka sa kahirapan. Tulungan mo ang sarili mo.

Metaporista

 

Nabasa mo na ba ang iba pang sikreto?

 

Leave a Reply