Moral Story: Ang Batang May Tirador

Moral Story: Ang Batang May Tirador

Bakasyon noon nung bumisita si Jose at Sarah sa probinsya kung saan nakatira ang kanilang lola.

Naglaro si Jose sa labas at kumuha ng lata at mga bata na kanyang paglalaruan gamit ang kanyang bagong tirador.

Inasinta niya ito ngunit wala siyang matamaan sa mga lata kaya sa pagka-asar niya ay inasinta niya ito sa bibe na alaga ng kanyang lola. Isang tira lang ay tinamaan niya ito sa ulo at agad itong namatay. Sa takot niya ay tinago niya ang bibe sa damuhan at tinakpan ng mga patay na damo. Ang hindi niya alam ay nakita ni Sarah ang buong pangyayari.

Kinabukasan niyaya ng lola si Sarah na mamalengke sa talipapa ngunit bigla itong sumagot “Lola si Jose po nagsabi sa akin na siya na lang ang sasama sa inyo.” Sabay lapit kay Jose at binulong na “Alam ko ang ginawa mo sa bibe ni lola”. Kinabahan si Jose na baka magsumbong ito sa kanyang lola kaya naman agad itong sumama sa talipapa.

Pagka-uwi nila ay inutusan ng kanilang lola si Sarah na maghugas ng plato. Sumagot ito na “Lola si Jose po ay gustong maghugas ng plato” sabay tingin kay Jose. Walang nagawa si Jose kundi maghugas ng plato.

Kinabukasan ay hindi na kinaya ni Jose ang ginagawa ni Sarah kaya nagpasya itong magsabi na ng totoo.

“Lola, napatay ko po ang bibe ninyo habang naglalaro po ako ng tirador noong isang araw. Patawad po.” Pagtatapat niya habang nangingilid ang luha sa mga mata.

Sumagot ang kanyang lola “Sa wakas apo ay nagtapat ka rin. Nakita ko ang buong pangyayari noong isang araw habang nakadungaw ako sa bintana. At dahil mahal kita pinatawad na kita. Tinitingnan ko lang kung gaano ka katagal pagsasamantalahan ni Sarah”.

Aral:

Kapag may kasalanan ka, wag mong patagalin at aminin mo na agad. Mahirap pag itatago mo lang ito sa iyong sarili. Mas matatanggap ka nila kapag tapat ka at nagpakumbaba ka. Kadalasan nangyayari ito sa trabaho, school at bahay at ang resulta, iba ang nasisisi. Di baleng magalit sila sayo dahil sa pagkakamali mo kesa naman magsinungaling kasa kanila.

English Version:

Little Boy with a Slingshot 


Image credit: Gener Villar (tirador)

Leave a Reply