Moral Story: Ang Magnanakaw ng mga Pangarap

Moral Story: Ang Magnanakaw ng mga Pangarap





Isang araw, pinasulat kay Pedro at sa kanyang mga kaklase ang kanilang mga pangarap sa buhay. Ang iba sa kanyang kaklase ay nagsulat na gusto nilang maging doktor balang araw at ang iba naman ay maging abogado. Meron ding nagsulat na gusto nilang maging panadero at parlorista. Nakapagpasa na ang lahat maliban kay Pedro.

Nangingilag siyang isulat ang kanyang totoong pangarap dahil pagtatawanan lang siya ng kanyang teacher at mga kaklase. Pero sa bandang huli ay sinulat niya na rin ito.

“Ako po si Pedro. Ang pangarap ko po ay magkaroon ng pinakamalaking mansiyon sa ating bayan at balang araw ay magkakaroon po ako ng pinakamalaking sakahan at magiging pinakamayamang tao sa ating bayan.”

Nabasa ito ng kanyang teacher at pinatawag niya si Pedro para kausapin.

“Pedro, ibabalik ko sa iyo itong papel na ito at gusto kong baguhin mo ito at ilagay mo ang makatotohanang pangarap at hindi ilusyon. Ipasa mo ito sa akin bukas ng umaga. Kung hindi mo ito babaguhin ay bibigyan kita ng pinakamababang grado.”

Umuwi si Pedro at nagpatulong ito sa kanyang tatay.

“Tay, pinapabago po sa akin ng teacher ang pangarap ko. E ito naman po talaga ang pangarap ko. Kung hindi ko raw po babaguhin ay ibabagsak daw niya ako.”

Sumagot ang kanyang tatay, “Anak, nasa iyo iyan kung paninindiganan mo ba ang pangarap mo. O kung hahayaan mo lang na nakawin ito ng iba sa iyo.”

Kinabukasan ay pumasok si Pedro at pinasa ang kanyang papel. Wala siyang binago kahit isa. Nananatiling iyon ang pangarap niya.

“Mam, dibaleng bigyan niyo po ako ng mababang grade. Yan po kasi talaga ang pangarap ko sa buhay.”

Pagkalipas ng 30 taon ay nagkaroon ng field trip ang teacher sa pinakamalaking sakahan sa kanilang bayan. Nagulat ang teacher ng makita niya at malaman na si Pedro pala ang may-ari ng sakahan na iyon at ang pinakamalaking mansiyon sa kanilang bayan.

Lumapit ang teacher kay Pedro at nagsabing “Pedro, nagkamali ako noong tinangka kong nakawin ang pangarap mo sayo. Buti na lang at nanindigan ka sa iyong pangarap at pinaglaban mo iyon. Maraming bata ang gaya mo noon na nagbigay ng kasing laki ng mga pangarap mo pero pinauwi ko iyon sa kanila at pinabago. Ikaw lang ang nag-iisang nanindigan sa pangarap mo kaya hindi ko iyon nanakaw sa iyo.”

Aral:

Ano ba ang pangarap mo sa buhay? Narating mo ba? Pinaglaban mo ba? Baka nagpahadlang ka sa magulang mo, sa problema mo o sa kahirapan sa buhay. Yun pa rin ba ang pangarap mo ngayon o sinuko mo na? Baka tinaas mo agad ang kamay mo nang hindi man lang lumaban? Baka isa ka sa milyong tao na hindi makatulog gabi-gabi sa kaka-isip sa kanilang naging kapalaran. “Paano kaya kung nakapagtapos ako? Siguro hindi ako pagod na pagod araw-araw sa trabaho?” o “Habang buhay na lang ba akong ganito? Trabaho-tulog-Trabaho at wala man lang maipon? Paano kaya kung inabot ko ang pangarap ko noon dati pa at hindi nasilaw sa pera?”. Hindi pa huli ang lahat. Wag mo hayaang ipanakaw sa iba ang pangarap mo.

-Metaporista

 

 

English Version:

Keep Your Dream

moralstories.org


Image credit: hiveminer.com

Leave a Reply